MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez ang planong pagtatayo ng Women and Children’s Hospital para mas mapalakas ang pagbibigay ng accessible na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ng pamahalaang lungsod sa mga mamamayan.
Ayon kay Olivarez, na isang rehistradong nurse, itatayo ang Women and Children’s Hospital sa tabi ng Ospital ng Parañaque 1 (Ospar) sa Barangay La Huerta, kung saan ay nakapagbigay na ng advance na P149 milyon ang pamahalaang lungsod para sa bagong ospital ngayong taon.
Kapag natapos na ito ay magiging pangalawang ospital lamang para sa kababaihan at kabataan sa buong bansa. Ang pitong palapag na gusali ay itatayo sa lugar kung saan kasalukuyang matatagpuan ang istasyon ng bumbero at pulisya malapit sa OsPar1.
Sisimulan na ngayong Marso ang demolisyon sa mga nasabing istasyon at magsisimula na ang pagtatayo ng bagong ospital pagkatapos nito.
Samantala, pinangunahan din ni Olivarez ang pagpapasinaya ng Libjo Child Development Center sa Area 7, Sitio Libjo sa Barangay Sto. Niño, nitong weekend.
Ayon sa alkalde, importante ang child development centers para sa mga day care pupils dahil hindi na nila kailangang pumunta sa mas malayong lugar para makapag-aral ng pre-kinder 1 at pre-kinder 2.