Malalayong probinsya, ginagawang taguan ng mga wanted na dayuhan
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang pagpapaigting ng paggalugad at intelligence gathering sa mga malalayong probinsya na ginagawang taguan umano ngayon ng mga dayuhan na wanted sa kanilang mga bansa.
Inatasan ni Tansingco si BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. para tignan ang mga ulat ng mga dayuhang nagtatago sa mga parte ng mga lalawigan na mahirap puntahan.
Ito ay makaraang madakip nitong Pebrero 28 sa Agoo, La Union ang Indian national na si Harpreet Singh, 34-taong gulang. Nabatid na overstaying na sa bansa si Singh ng higit sa apat na taon makaraang dumating ng Pilipinas noong Pebrero 2018 pa.
Sa parehong petsa, nadakip din ng mga intelligence operatiives ang limang Chinese national sa isang bodega sa may Biñan, Laguna. Nabatid na walang dokumento, overstaying at nagtatrabaho ng walang kaukulang papeles ang naturang mga Tsino na paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.
Dahil dito, nagpakalat na umano ang BI ng mga intellegence officers sa iba’t ibang rehiyon para kumalap ng mga impormasyon laban sa mga dayuhang iligal na nananatili sa bansa.
Muling inilunsad naman ng BI ang Immigration Helpline PH 24/7, para mag-ulat ang publiko sa mga iligal na dayuhan sa kanilang lugar.
- Latest