Lady cops gagawing desk officers sa NCRPO

Female members of the Manila Police District attend the morning exercise at their quadrangle on March 7, 2023.
STAR/Ernie Penaredondo

MANILA, Philippines — Upang epektibong matugunan ang serbisyo publiko, papalitan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/ Major Gen. Edgar Okubo ng mga babaeng pulis ang mga lalaking desk officers sa mga police station sa buong Metro Manila.

Ito’y sa gitna na rin ng pagdiriwang ng “Women’s Month “ ngayong buwan ng Marso kung saan tulad rin ng mga kalalakihan ay nais din na maipakita ang ‘women’s power ‘ sa trabaho o saan mang larangan ng lipunan.

Sinabi pa ni Okubo ng opisyal na ang gagawing pagbabago ay upang mas lalong mapalapit ang kapulisan sa taumbayan dahil karaniwan ang mga lalaking desk officers umano ay pinangingilagan ng mga complainants dahilan ilan sa mga ito ang nagiging arogante sa pagtatanong.

Ang sinasabi kasi ni Okubo na hindi niya ikinatuwa sa mga lalaking pulis na desk officers ay mayroon siyang nakitang pinapagalitan ang isang complainants dahil hindi niya masyadong naiintindihan ang reklamo nito, mayroon namang isang lalaking desk officer na tuloy ang panonood ng tv at hindi masyadong pinapansin ang complai­nant.

Ayon pa kay Okubo, kapag babae na ang mga desk officers sa mga police stations sa Metro Manila ay tatawagin nila itong costumer relations officer, upang mas gumanda ang connections ng complainants.

Uumpisahan ni Okubo ng pagpapalit sa mga babaeng desk officers sa mga major police stations sa Metro Manila sa mga susunod na araw.

Samantala ang mga tatanggaling lalaking desk officer sa mga police stations ay ilalagay na lang sa kalsada upang mapalakas lalo ang police vi­sibility patrol operations.

Show comments