‘Isumbong Mo Kay Chief’ inilunsad
MANILA, Philippines — Maaari nang magreklamo online ang publiko sa Land Transportation Office (LTO) sa pamamagitan ng inilunsad na online complaint platform na “Isumbong Mo Kay Chief” QR code.
Ang LTO “Isumbong Mo Kay Chief” QR code ay isang serbisyong digital na magagamit ng publiko para sa mas madaling pagpaparating ng mga reklamo at suhestiyon, gamit lang ang cellphone.
Pinangunahan ni LTO chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang pagpapaskil ng “Isumbong Mo Kay Chief” QR code sticker sa Licensing Section ng LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, isa sa mga mataong lugar sa ahensya.
Nakapaskil na rin sa LTO district at regional offices sa buong bansa ang nasabing QR code sticker.
Sakaling may reklamo o suhestiyon, kailangan lamang na i-scan ang QR code gamit ang cellphone. Mula rito ay lalabas ang isang survey form kung saan ilalagay ang mga detalye ng reklamo o suhestyon na direktang mababasa ng mismong LTO Chief at maipaparating din sa mga hepe ng iba’t-ibang distrito ng ahensya.
May option din sa survey form hinggil sa kung ano ang pakay ng reklamo tulad ng mabagal na serbisyo, masungit na empleyado, hindi maayos na lugar ng LTO office, o may presensya ng mga fixer.