BJMP magdaragdag ng bagong jail libraries
MANILA, Philippines — Magdaragdag ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng mga jail libraries bilang bahagi ng kanilang rehabilitation programs para sa mga persons deprived of liberty (PDLs) na nakatakdang ipatayo ngayong Marso.
Kaugnay nito, inilunsad na kahapon ng BJMP ang isang programa upang makapaglagay ng mga silid-aklatan sa mga piling bilangguan at maisama ang pagbabasa sa kanilang rehab programs.
Sa pakikipagtuwang sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC), sinimulan ng BJMP ang programang “Read Your Way Out: Advancing Prison Reform through Libraries for Lifelong Learning in Places of Detention,” na may layuning mapahusay pa ang learning opportunities para sa personal development, well-being, at rehabilitasyon ng mga PDLs.
Target din nitong maisama ang reading activities bilang isa sa opsiyon ng mga PDLs upang madagdagan ang kanilang Time Allowance for Study, Teaching, and Mentoring (TASTM).
Ang naturang time allowances ay nakatutulong upang mabawasan ang panahon ng sentensiya ng mga PDLs at maipasilidad ang decongestion o pagpapaluwag ng mga piitan, sa pamamagitan nang maagang pagpapalaya sa kanila, na sinamahan pa ng rehabilitasyon sa pamamagitan ng education at vocational skills.
Nabatid na isang technical working group (TWG), na binubuo ng mga opisyal ng BJMP at ng UNODC, ang itinatag upang siyang magpatupad ng proyekto.
Kasama rin umano ang mga kinatawan mula sa National Library of the Philippines, bilang bahagi ng TWG, at siyang magkakaloob ng technical expertise pagdating sa library management.
- Latest