MANILA, Philippines — Pinatay ang isang 67-anyos na ina ng kanyang sarling anak sa pamamagitan nang paghambalos ng kahoy sa ulo nito matapos ang kanilang pagtatalo kamakailan sa Pasig City, nabatid kahapon.
Naaagnas na ang bangkay ng biktimang si Ma. Elena Estella Villastique, 67, canteen owner, nang madiskubre ng mga awtoridad ang kanyang mga labi na nakasilid sa isang storage box na itinapon sa liblib na lugar sa isang sitio sa Brgy. Matictic, Norzagaray, Bulacan.
Samantala, arestado naman ang kanyang anak na si Raymond, 28, ng Barangay Villalamok, Pasig City.
Lumilitaw na naganap ang krimen noon pang Marso 4, nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina matapos umanong akusahan ng nasawi ang kanyang anak na siyang kumuha sa kanyang pera.
Nagdilim umano ang paningin ng suspek at dumampot ng isang kahoy at saka hinambalos sa ulo ang kanyang ina, na ikinamatay nito.
Nang mapagtantong napatay niya ang kanyang ina ay binalot umano ng suspek ang biktima sa kumot at plastik at saka ito isiniksik sa isang puting storage box.
Noong Marso 6 naman, nakuhanan pa ng CCTV si Raymond habang hinihila ang naturang kahon palabas ng kanilang bahay.
Dinala umano ng suspek ang bangkay sa isang liblib na lugar sa isang sitio sa Brgy. Matictic, at saka doon itinapon.
Ini-report naman ng mga kaanak na nawawala ang biktima nang may ilang araw na itong hindi ito pumupunta sa kanyang kantina.
Nitong Marso 11 ay nadiskubre naman ng mga barangay tanod ang bangkay ng biktima nang may magsumbong na residente hinggil sa masangsang na amoy na nagmumula sa isang inabandonang storage box, na selyado umano ng tape. Samantala, ang anim na taong gulang na anak ng suspek ay tumestigo sa National Bureau of Investigation (NBI) na nakita niyang pinatay ng kaniyang ama ang kaniyang lola.
Umamin naman ang suspek sa krimen at itinuro kung saan niya itinapon ang bangkay ng kaniyang nanay ngunit iginiit na walang kinalaman ang krimen sa pera.
Nakapiit na ang suspek at nahaharap sa kaukulang kaso.