MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang paggamit ng mga dayuhan sa tunay na Philippine passport makaraang isang Chinese national ang mahulihan nito sa Caticlan International Airport sa Boracay, Aklan kamakailan.
Sa ulat ng Bureau of Immigration (BI), kinilala ang naaresto na si Zhou Jintao, 24.
Nagpakilala umano ito sa mga immigration officers sa Caticlan sa pangalang Jansen Tan.
Ayon pa sa ulat, bukod sa pasaporte na natagpuang geniune, may hawak din si Zhou na Philippine PWD (person with disability) ID, postal card, Tax Identification Number ID, isang National Bureau of Investigation (NBI) clearance, at birth certificate na nagsasaad na ipinanganak siya sa Sibulan, Santa Cruz, Davao del Sur sa isang Filipinong ama at ina.
Ngunti sa gitna ng inspeksyon, napansin ng immigration officer na hindi marunong magsalita ng Tagalog o anumang lokal na wika ang dayuhan dahilan para harangin siya.
Nang isailalim pa sa pagtatanong, tuluyang inamin ni Zhou na isa siyang Chinese citizen. Nadiskubre rin sa kaniyang travel record sa BI database na dumating siya sa Pilipinas noong Hunyo 30, 2019.
Dito na siya inaresto at inilipat sa BI warden facility sa Bicutan, Taguig habang gumulong na ang kaniyang deportasyon.