Army Reservist arestado sa matataas na kalibre ng baril

Ang matataas na kalibre ng baril at sangkaterbang bala na nasamsam ng mga awtoridad sa isang Army Reservist matapos na salakayin ang bahay nito sa Taguig City.
STAR/File

MANILA, Philippines — Ibat-ibang matataas na kalibre ng baril ang nasamsam ng mga awtoridad sa bahay ng isang Army Reser­vist sa Taguig City, ka­makalawa ng gabi.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Kirby John Kraft  ang suspek na si Ronnie Castañeda Gonzales, 55,  residente ng Ma­ngustan Street, Brgy. Katuparan, Taguig City.

Napag-alaman na dakong alas-9:00 ng gabi noong Biyernes nang isagawa ang pagsalakay sa bahay ng suspect sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Byron San Pedro ng Regional Trial Court Branch 15-FC, Taguig City.

Nasamsam sa raid ang matataas na uri ng armas na kinabibilangan ng isang Sub-Machine Gun (US made)  cal .45 M3, M16 A1 Rifle Eliseo, isang Shooter Caliber 45 pistol, isang SAM Caliber 45 ACP pistol at ibat-ibang uri ng bala.

Ang pagkakatuklas ng mga tinatagong baril ng suspek ay nag-ugat sa idinulog na reklamo ng sari­ling anak na siya ay tinutukan ng baril ng ama, dahilan upang mag-aplay ng search warrant ang mga awtoridad.

Nakakulong ang suspek sa Taguig City Police Station na nahaharap sa paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and ­Ammunitions).

Show comments