6 pang ‘persons of interest’ sa Salilig hazing, susuko
MANILA, Philippines — Anim pang ‘persons of interest’ sa kasong pagkamatay ng chemical engineering student na si John Matthew Salilig dahil sa hazing ang nakatakdang sumuko sa mga awtoridad sa mga darating na araw, ayon kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kahapon.
“Yun ang balita namin, may anim pa na gustong sumuko sa hazing cases,” saad ni Remulla.
Tiniyak ni Remulla na maayos na pinamamahalaan ng mga prosecutors ng gobyerno ang imbestigasyon sa kaso hanggang sa mapanagot ang lahat ng taong may kaugnayan sa pagkamatay ni Salilig, na estudyante ng Adamson University.
“I’m sure our people here are on top of it. I got a report yesterday that there are more witnesses who wanted to surface and give ah, clarify their involvement or non-involvement in the hazing cases,” paglilinaw ni Remulla.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay ni Salilig noong Pebrero 18 sa isang mababaw na hukay sa Brgy. Malagasang sa Imus City, Cavite. Ito ay makaraang pumanaw siya matapos ang “welcome rites” na ibinigay sa kaniya ng mga kapwa miyembro ng Tau Gamma Phi.
Anim nang miyembro ng fraternity ang unang nasampahan ng kaso, habang pinaghahanap pa ang iba.
Unang sumuko sa Manila Police District (MPD) sina Earl Anthony Romero, alyas Slaughter, kasunod sina Tung Cheng Teng, alyas Nike, at Jerome Balot, alyas Allie.
Sumuko naman sa Biñan City police sina Sandro Victorino, alyas Loki, Michael Lambert Ritalde, at Mark Pedrosa, alyas Macoy, pawang mga miyembro ng Biñan Chapter ng Tau Gamma Phi.
- Latest