Wala umanong koordinasyon
MANILA, Philippines — Pinalagan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang sunud-sunod na clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na wala umanong kaukulang koordinasyon sa kanila bago ito ikasa.
Sinabi ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, nagpadala na umano ng sulat ang alkalde sa MMDA upang ipunto ang kanilang posisyon sa naturang usapin.
“We wrote to MMDA on this matter. We reiterated our position sa MMDA on this matter. LGUs have primary jurisdiction on traffic under the Local Government Code,” saad ni Abante.
Una na umanong nagpasabi si Lacuna sa pamunuan ng MMDA na magkaroon muna ng maayos na koordinasyon bago sila mag-operate.
Sinabi naman nina Manila Congressmen Rolando Valeriano, ng ikalawang distrito at Congressman Joel Chua ng ikatlong distrito, ay walang koordinasyon na ginawa ang MMDA bago pasukin ang kanilang lugar.
Bukod dito, isa pang punto ng lokal na pamahalaan ay nagkakasa ng operasyon ang MMDA sa mga kalsada na hindi parte ng Mabuhay Lanes, na siyang dapat pagtuunan ng ahensya na mapaluwag.
Nitong Miyerkules, umabot sa 32 sasakyan ang natikitan ng MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum sa clearing operations. Kabilang dito ang mga iligal na nakaparada na mga kotse, motorsiklo at mga e-trike.
Matatandaan na unang nanawagan si Cong. Chua sa kaniyang privilege speech sa Kongreso na dapat buwagin na ang MMDA dahil sa pagsakop umano nito sa mga gawain ng lokal na pamahalaan at iginiit na kaya namang pamahalaan ng organisasyon ng mga alkalde ang Kalakhang Maynila. Sinagot siya ng pamunuan ng MMDA na batas ang lumikha sa ahensya at dapat batas rin umano ang bubuwag dito.