MANILA, Philippines — Iginiit ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chairman Romando Artes na tanging ang pagpapasa lamang ng batas ang maaaring magbuwag sa ahensya, makaraan ang panawagan ng isang mambabatas sa abolisyon nito.
Binanggit ni Artes ang Republic Act No. 7924 na lumilikha sa MMDA at naipasa noong 1995.
“Batas ang nag-create at nagbigay ng buhay sa MMDA. Batas din ang puwedeng pumatay o magtanggal ng buhay diyan. Kung sa tingin ng Kongreso at sasang-ayunan ng pangulo na na-outlive na ng MMDA ang kaniyang purpose... we leave it up to them ano ang magiging decision,” giit ni Artes kahapon.
Sa privelege speech ni Manila 3rd District Rep. Joel R. Chua, ipinanawagan niya ang pagbuwag sa MMDA upang mailinya umano ito sa National Government Rightsizing Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dito matitira na lamang umano ang council of mayors ng National Capital Region (NCR) at suportado ng maliit na secretariat, na siyang magdedesisyon sa mga polisiya ukol sa kalakhang Maynila.
Ngunit ipinaalala ni Artes sa mambabatas na para mabago ang isang batas ay kailangan na amiyendahan muna ito.