MANILA, Philippines — Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng mag-iina matapos na magwala at mangagat pa ng mga tanod sa Brgy. Pansol, Quezon City, Lunes ng hatinggabi.
Inihahanda na ang mga kasong Assault in Person in Authority, Alarms and Scandals at malicious mischief laban sa mag-iinang sina Nerissa Lauzon, 39, at dalawang anak na lalaki, na ‘di pinangalanan dahil sa pagiging menor-de-edad, pawang residente ng Block 7, Kaingin 1, Brgy, Pansol, Quezon City.
Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station 9, nabatid na pasado alas-12:00 ng hatinggabi nang maganap ang insidente malapit sa Brgy. Satellite ng Brgy Pansol sa Kaingin 1, Brgy, Pansol, sa lungsod.
Nauna rito, nag-iinuman umano ang mga anak ni Lauzon nang sa ‘di pa malamang dahilan ay kumprontahin ang napadaan nilang dalawang kapitbahay na sina Rodolfo Dela Cruz, 19, at Remar Coronado Valera, 28.
Naispatan naman ng mga nagpapatrulyang tanod ang komosyon sa pagitan ng mga kabataan kaya dinala nila ang mga ito, kasama ang kanilang nanay malapit sa Brgy, Satellite ng Brgy, Pansol, upang pag-ayusin sana.
Gayunman, sa halip na makipag-ayos, sinuntok umano ng magkapatid na Lauzon na kapwa lasing na ang dalawang nagrereklamong kapitbahay.
Dahil dito, pumagitna ang mga tanod na sina Alexander Derata, Roberto Ines, at Ernesto General, pero sa halip na magpa-awat ang magkapatid ay kinagat pa sila ng mga ito habang ang kanilang ina naman ay nagwala at pinagsisira ang mga kagamitan sa barangay.