MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng West Zone concessionaire na Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) na may nadiskubre silang major pipe leak sa Osmeña Highway, kanto ng Zobel Roxas sa Maynila, kasunod na rin ng isinagawang leak detection activities sa lugar kamakailan.
Sa pagtaya ng Maynilad, magkakaroon sila ng water loss recovery na nasa 20 hanggang 30 MLD (million liters per day) sa sandaling matapos na nila ang pagkukumpuni sa naturang tagas.
Ayon sa Maynilad, nadiskubre nila ang naturang major leak sa isa sa kanilang routine pipe network inspections, gamit ang iba’t ibang acoustic leak detection equipment.
“We were able to pinpoint the location of the leak from above-ground. Based on our initial assessment, the leak appears to be coming from a 2,200mm-diameter primary line, which is located 7 meters underground,” pahayag ni Maynilad Water Supply Operations head, Engr. Ronaldo Padua.
Kakailanganin aniya nilang maghukay sa lugar upang makita ang tubong pinagmumulan ng tagas upang tuluyang makapagsagawa ng assessment hinggil sa laki ng pinsala nito.
Inaasahan naman ng Maynilad na aabutin ng ilang araw ang naturang aktibidad dahil na rin sa laki ng tubo at lalim ng lokasyon nito, gayundin sa kakailanganing panahon ng pagkukumpuni.
Agad namang humingi ng paumanhin ang Maynilad sa mga kustomer nilang inaasahang maaapektuhan ng naturang pagkukumpuni.
“Given the size of the pipe and the depth of its location -- and depending on the repairs that will be required--the activity may take several days to implement, and this will affect water service for customers who receive their supply through this primary line,” anang Maynilad.
Tiniyak din na kaagad nilang iaanunsiyo sa mga susunod na araw ang iskedyul ng service interruptions at ang mga ispesipikong lugar na maaapektuhan nito, bago tuluyang ipatupad ang pipe repair, upang makapaghanda ang kanilang mga kustomer.
Kumpiyansa rin ang Maynilad na sa sandaling makumpuni ang tagas, makatutulong ang inaasahang water loss recovery upang mapalakas pa ang water pressure sa mga kalapit nitong lugar at epektibong makapagbibigay sila ng mas maraming suplay ng tubig para sa kanilang mga kostumer.