Luis Manzano ‘no show’ ulit sa NBI
MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon, hindi muli sumulpot ang aktor na si Luis Manzano sa National Bureau of Investigation (NBI) upang sagutin ang mga paratang sa kaniya ukol sa “investment scam” sa isang gasolinahan na dati siyang opisyal.
Sa halip, ipinadala ni Manzano ang kaniyang abogado na humingi naman ng kopya ng mga dokumento ukol sa reklamo. Sinabi ni NBI agent on case Roland Fernandez na hindi sila awtorisado na maglabas ng mga hinihiling na papeles.
Bukod sa abogado ni Manzano na dating miyembro ng board, dumating din sa NBI ang abogado ng iba pang mga akusado na sina Flex Fuel President Bong Medel Jr., Director Kristina Sales-Medel, Corporate treasurer Anthony Bernard Sales at Corporate Secretary Arthur Alicer.
Nahaharap sila sa reklamong estafa at paglabag sa Securities Regulation Code, na inihain ng ilang investors sa gasolinahan, na nagrereklamo sa hindi maibalik sa kanila na multimilyong investment dito.
Matatandaan na idinipensa ni Manzano ang sarili nang sabihin na siya mismo ay biktima dahil sa hindi rin niya marekober ang higit P60 milyong puhunan na inilagak niya sa kumpanya.
Ayon sa mga nag rereklamo, nag-invest lamang sila sa Flex Fuel dahil sa presensya ni Manzano bilang chairman ng board of directors ng kumpanya at pakikipag-usap sa kanila ng aktor na kanila umanong pinagkakatiwalaan. Ikinasasama nila ng loob nang biglang bumitiw sa kaniyang posisyon si Manzano nang hindi ipinapaalam sa kanila at tila bigla umano silang iniwan.
Una na ring sinabi ng Flex Fuel na hindi scam ang kanilang investment scheme dahil sa may legal umano silang negosyo. Sadyang naapektuhan lamang umano nila ang kanilang sitwasyon sa pinansyal dahil sa pandemya, mataas na presyo ng krudo at giyera ng Ukraine Russia.
- Latest