416 inmates pinalaya ng BuCor
MANILA, Philippines — Nasa kabuuang 416 inmates o persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) makaraang mapagsilbihan na ang kanilang sentensya o kaya naman ay napawalang-sala sa kanilang kasong kinakaharap.
Pinangunahan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang seremonya kasama si Public Attorney’s Office head, Atty. Percida Acosta, sa pagbibigay ng kanilang mga sertipiko ng paglaya.
“Sa tingin ko naman ang pagpapalaya ng mga tao na nagbayad na sa lipunan ay isang mabuting gawain,” saad ni Remulla. “Ito po ay hindi ko titigilan hangga’t ako po ay secretary of justice,” dagdag niya.
Para mapaluwag ang bilangguan, sinabi ni Remulla na buwan-buwan ay magpapalaya sila ng mga PDLs na dapat nang lumaya makaraan na maisailalim sa pagsusuri ang kanilang mga kaso at kundisyon.
Kabilang sa mga napalaya ay 78 PDLs na napawalang-sala na, 81 na nabigyan ng parole, at walo na nagkuwalipika para sa probation. Ang iba pang PDLs na napalaya ay ang mga nagsilbi na ng kanilang sintensya at nagkuwalipika base sa merito sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA)
- Latest