MANILA, Philippines — Dalawang katao ang sugatan habang 35 na kabahayan ang natupok matapos na sumiklab ang malaking sunog sa residential area sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Andrie Caser, 23, isang fire volunteer, na nagtamo ng minor burn sa kanang bahagi ng leeg at si Adrian Mark Torres, 18, na nagtamo naman ng minor burn sa noo.
Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na pasado alas-9:00 ng gabi nang maganap ang sunog sa isang residential area sa Manunggal St. sa Brgy Tatalon, QC.
Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa hanggang 35 kabahayan, na pawang gawa sa light materials, ang tinupok ng apoy.
Umabot ang sunog sa ikalawang alarma bago tuluyang naideklarang fire under control dakong alas-11:20 ng gabi at tuluyang naapula dakong alas-12:41 ng madaling araw kahapon.
Masusi pa namang iniimbestigahan ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog, at inaalam ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.