MANILA, Philippines — Umaabot sa P135 milyong halaga ng imported na sibuyas at bawang ang nasamsam ng pinagsanib na mga operatiba ng pulisya, Bureau of Customs (BOC) at Phil. Coast Guard (PCG) matapos salakayin ang mga bodega at establisimento sa magkakahiwalay na operasyon sa Manila at Malabon City.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Brig. Gen. Romeo Caramat Jr. ang operasyon ay kaugnay ng pinalakas na crackdown laban sa hoarding ng naturang mga produkto.
Ikinasa ang operasyon dakong alas- 3 ng hapon at ala-1 ng madaling araw nitong Sabado sa 23 bodega at establisimento sa Manila at Malabon City.
Nasa 40 hanggang 50 tonelada ng imported na sibuyas at bawang na nagkakahalaga ng P40 milyon ang nakumpiska mula sa 18 bodega sa kahabaan ng Carmen Planas Street at tatlong bodega sa Sto. Cristo Street ; pawang sa Tondo, Manila at isa pang bodega sa Binondo, Manila.
Samantala nasa 250 tonelada ng imported na sibuyas at bawang na nagkakahalaga naman ng P95 milyon ang nasabat naman sa isang cold storage facility sa Gov. Pascual Ave., Brgy. Catmon, Malabon City.
Ang nakumpiskang mga imported na produkto ay naka-sealed at naka-padlock, habang patuloy naman ang imbestigasyon upang madetermina kung sinu-sinong mga personalidad ang sangkot sa ilegal na aktibidad upang masampahan ng kasong kriminal.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng opisyal ang publiko na i-report sa mga awtoridad ang anumang mga ilegal na aktibidad na may kinalaman sa importasyon, storage at distribusyon ng mga produktong agrikultura upang maipatupad ang patas at nasa batas na presyuhan sa merkado.