MANILA, Philippines — Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang 40-anyos na lalaking nahuli sa isang drug buy-bust operation na bukod sa droga ay nasamsaman din ng baril at granada sa Las Piñas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang naarestong suspek na si Roberto Flores Aringo, alyas Jon.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi kamakalawa nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit at Station Intelligence Section ng Las Piñas City Police Station, kasama ang Zapote Sub-station 1, Kawayanan Tambakan, Pulang Lupa Uno.
Nasa 12.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ?82,960.00 ang nasabat dito bukod pa sa isang kalibre .38 baril na may 4 na bala at isang granada.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 9516 at RA 10591 para sa ilegal na pagdadala ng baril at granada.