Summer Metro Manila Film Fest: 33 pelikula lumahok 

MANILA, Philippines — Umabot sa 33 pelikula ang natanggap na isinumite ng mga movie producer para sa kauna-unahang summer edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na itinakda sa buwan sa Abril.

Sa kabuuang bilang ng mga pelikulang isinumite, 23 ay mga bagong pelikula, habang 10 ay muling isinumite mula sa Dis­yembre 2022 MMFF.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman at MMFF Over-all Chair Atty. Don Artes na historic ang unang Summer MMFF dahil ito ang tumanggap ng pinakamataas na bilang ng pagsusumite ng pelikula mula nang magsimula ang MMFF.

“With the record-breaking number of films that have been submitted to us, we can say that our local movie industry is back in their game and is starting to create more quality films again for us to enjoy in the first-ever Summer MMFF,” ani Artes.

Nabatid na walo lamang ang magiging official entries sa summer film fest na iaanunsyo sa Pebrero 24, at pi­piliin batay sa criteria.

Kinabibilangan ito ng  artistic excellence (40%), commercial appeal (40%), Filipino cultural sensibility (10%), at global appeal (10%).

Ang unang Summer MMFF ay mapapanood sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa mula Abril 8 hanggang 18, kung saan ang Parade of Stars ay nakatakdang isagawa sa Quezon City sa Abril 1 at ang Gabi ng Parangal ay magaganap sa Abril 11.

Show comments