Inihirit sa LTFRB
MANILA, Philippines — Makikipag ugnayan ang Philippine National Railways (PNR) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa mga maaapektuhan ng tigil operasyon ng nasabing train line na tatagal sa loob ng limang taon.
Kaugnay ito sa plano ng PNR na magkaroon ng alternatibong bus at jeep para sa ibang ruta na maipalalabas ang LTFRB na siyang sasalo sa mga pasahero ng PNR sa pansamantalang pagtigil ng operasyon nito.
Ayon kay PNR general manager Jeremy Regino, inaayos nila ang paglilipatan ng mga pasahero at mga alternatibong pampublikong transportasyon.
Tinitingnan umano nila ang ilang jeepney routes at posibilidad ng bus augmentation.
Ani Regino, may informal settlers din na kailangang i-relocate.
Nabatid na ititigil ng PNR ang operasyon nito ng limang taon para magbigay daan sa ginagawang North South Commuter Railway (NSCR).
Magtatayo ng mga biga, viaduct, at bagong riles sa mga lugar na apektado ng tigil operasyon.
“Ang mangyayari po dito, pinag aaralan pa po natin kung hihinto po tayo ng operasyon Manila Calamba, or magkakaroon muna tayo ng mga partial o segmental stoppage of operations. Mauuna po ang Alabang to Calamba, at pagkatapos po nyan ay Tutuban to Alabang,” dagdag ni Regino.
Gayunman, nilinaw ni Regino na wala pang eksaktong petsa ng tigil operasyon ng PNR at ipagbibigay-alam sa publiko ng may dalawang buwang advance notice bago tumigil sa operasyon ang PNR.