MANILA, Philippines — Nanlumo ang may-ari ng isang vape shop sa Sampaloc, Maynila makaraang kumpiskahin ng mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang halos lahat ng kaniyang paninda dahil sa mga natagpuang paglabag sa batas sa isinagawang inspeksyon, kahapon ng umaga.
Unang nagsagawa ng inspeksyon ang DTI sa isang supermarket sa may Earnshaw Street sa Sampaloc, Maynila , kahapon ng umaga bilang pagtiyak na sumusunod ito sa itinakdang “suggested retail price” sa mga pangunahing bilihin.
Walang nakitang paglabag ang DTI sa naturang supermarket.
Nagsagawa rin ng inspeksyon sa mga katabing establisimento ang DTI at pinasok ang AD Vape Shop.
Dito natuklasan ang mga paglabag sa Republic Act 11900 o ang Vape Regulation Act, tulad ng pagkakaroon ng flavor at mga label na makukulay o cartoons.
“In selling vape products, ang bawal those products that are flavoured. So whether its nicotine, non-nicotine products flavored siya bawal siya,” ayon kay DTI Asst. Secretary Ann Claire Cabochan.
‘Yung isa ring bawal yung sa design ng packaging ng vape ay very attractive to minors, ‘yung gumagamit tayo ng colors ng cartoons na nakakaengganyo sa mga minors,” dagdag niya.
Nagsasagawa ngayon ng imbentaryo ang DTI sa mga nakumpiskang produkto habang nakatakdang pagmultahin ang may-ari ng shop ng P100,000 dahil sa unang paglabag.
Kung magkakaroon ng ikalawa hanggang ikatlong paglabag, dito irerekomenda ng DTI ang pagpapasara nito.