MANILA, Philippines — Apat na South Korean nationals na sangkot sa mga krimen na telephone fraud at illegal gambling ang nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila at Pampanga ngayong Pebrero.
Unang nadakip nitong Pebrero 1 sa San Antonio Village, Pasig City ang 39-taong gulang na si Chun Junghoon, na nasa wanted list na ng BI-Fugitive Search Unit noon pang 2020. Sangkot ang suspek sa telecom fraud sa Busan District at nakatangay umano ng 3 milyong won o halos US$3,000 dahil sa voice phishing.
Nitong Pebrero 4 naman nang maaresto ng BI si King Jingsuk, 44, sa Brgy. Anonas, Angeles City sa Pampanga. Wanted siya ng Chuncheon District Court sa pagtangay ng nasa 367 milyong won o US$300,000 sa kaniyang employer nang ilegal na magbenta ng 1,300 tonelada ng coal mula sa Russia.
Kasabay nito, naaresto rin sa Pampanga ang 34-taong gulang na si Park Geon Jin, na wanted ng Seoul Seobu District Court dahil sa pagiging miyembro ng voice phishing syndicate na nakatangay na ng higit 7.65 milyong Korean won mula nang mag-operate noong 2018.
Nitong Pebrero 8 nang maaresto ang 40-anyos na Park Kyoungtae, na wanted sa operasyon ng illegal gambling website mula pa noong 2020.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na mas pinaigting nila ngayon ang paghahanap sa mga wanted na dayuhan na ginagawang taguan ang Pilipinas upang makatakas sa mga krimeng ginawa sa kanilang bansa.
Wala umanong puwang sa Pilipinas ang mga masasamang-loob na dayuhan at dapat mapa-deport pabalik sa kanilang bansa.
Minamadali na ang deportasyon sa apat na Koreano at inilagay na sila sa blacklist ng BI.