2 pang suspek sa panghoholdap at pagpatay sa isang lola, arestado na rin
MANILA, Philippines — Nasa kustodya na rin ng pulisya ang dalawa pang sangkot sa mga panghoholdap at pagpatay sa mga pasahero ng taxi kabilang ang isang lola na naunang iniulat na nawawala.
Ito ang kinumpirma kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) na naaresto na rin nila ang dalawa pang suspek sa panghoholdap at pagpatay kay Lola Betty, na unang iniulat na nawawala sa Quezon City ngunit malaunan ay natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo, sa isang bangin sa Marilaque Highway, sa Tanay, Rizal.
Ayon kay QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III, Pebrero 3, 2023 pa nang maaresto nila ang magkapatid na sina Keith Richard at Jimbo Robosa, 27, dahil sa kasong panghoholdap sa isang gasolinahan sa Katipunan Avenue, sa Barangay Milagrosa sa lungsod.
Ang Robosa brothers ang itinuturo ng naarestong suspek na si Mark Anthony Valera Cosio, alyas Mac Mac, 41, taxi driver na siyang kasabwat niya sa panghoholdap at pagpatay kay Edilbertha ‘Lola Betty’ Gomez, 79, at residente ng Brgy. Pinyahan, Quezon City, kay Maria Cristina Capistrano, 40, na residente ng Brgy. Holy Spirit, QC.
Ang dalawang biktima ay naisakay umano ni Cosio sa kanyang minamanehong taxi ngunit hindi inihatid sa kanilang destinasyon at sa halip ay hinoldap at pinagtripang patayin, bago itinapon sa magkahiwalay na lugar.
Si Lola Betty ay nabiktima ng mga suspek noong Enero 14, 2023 ngunit ang bangkay nito na may tama ng bala sa likod ng ulo, ay natagpuan lamang noong Pebrero 11, 2023 kasunod nang pagkakaaresto kay Cosio dahil sa kasong ilegal na pagbebenta ng baril.
Mismong si Cosio ang sumama sa mga pulis upang ituro ang lugar kung saan matatagpuan ang bangkay ng biktima.
Si Capistrano naman ay nabiktima ng mga suspek noong Enero 27, 2023 at ang bangkay nito ay natagpuang basag ang ulo noong Enero 29, 2023 sa Brgy. Laug, Mexico, Pampanga.
Ani Torre, sa ngayon ay dalawa pang suspek na nakilalang sina Rolando Picaña at isang alyas ‘John Paul’ ang tinutugis na ng mga otoridad upang panagutin sa naturang mga krimen.Si Cosio at ang magkapatid na Robosa ay pawang nakapiit na at nahaharap sa kasong robbery with homicide sa piskalya.
- Latest