MANILA, Philippines — Napilitang magsuspinde ng klase ang Batasan Hills National High School sa Quezon City, matapos na makatanggap ng bomb threat kahapon.
Batay sa inisyal na ulat ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong alas-11:20 ng umaga nang makatanggap ng bomb threat sa kanilang Facebook account ang mga guro at estudyante ng Batasan Hills National High School, na matatagpuan sa IBP Road, Batasan Hills, QC.
Kabilang sa mga nakatanggap ng bomb threat sa kanilang FB account ay ang mga guro na sina Aimee Layag, Joane Nagua, at ilang mga estudyante ng paaralan.
Kaagad namang ipinagbigay-alam ng mga guro sa kanilang principal na si Eladio H. Escolano ang natanggap na bomb threat, na siya namang nagreport nito sa mga awtoridad.
Mabilis na rumesponde ang mga operatiba ng Explosive Ordnance Disposal Unit kasama ang K9 Unit.
Sa kabutihang palad, matapos na galugarin ang buong gusali ng paaralan ay wala namang natagpuang pampasabog ang mga otoridad.
Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga alagad ng batas sa naturang insidente upang mabatid kung sino ang nagpakalat ng bomb threat sa paaralan at mapanagot ito.