MANILA, Philippines — Nalambat na ng mga pulis ang isang lalaking suspek umano sa serye ng nakawan sa ilang lugar sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director BGen. Nicolas Torre III ang naarestong suspek na si Erick Herrera, 28, residente ng Insurance St., Brgy. Sangandaan, Quezon City.
Sa ulat ni QCPD-Talipapa Police Station (PS 3) Station Commander PLTCOL Mark Janis Ballesteros, nabatid na bago ang pag-aresto ay ninakawan umano ng suspek ang Eva’s Sari-Sari Store na matatagpuan sa 19 Salary St., Brgy. Sangandaan, Quezon City, dakong alas-11:40 ng gabi kamakalawa. Sinamantala umano ng suspek ang pagkalingat ng tindera ng sari-sari store at saka tinangay ang isang cigarette case na naglalaman ng limang paketeng sigarilyo at isang unit ng cellphone.
Nang mapuna ng may-ari ng tindahan ang pagnanakaw ay kaagad naman niya itong inireport sa barangay, na siyang nagsumbong nito sa mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Units (TMRU) na nagpapatrulya sa lugar.
Sa tulong ng kuha ng CCTV sa Brgy. Sangandaan, natukoy ng mga TMRU officers ang pagkakakilanlan ng suspek, na nagresulta sa pagkaaresto nito sa isang follow-up operation, sa tapat ng kanyang tahanan.
Nabawi ng mga awtoridad mula sa suspek ang mga ninakaw nitong sigarilyo, isang sling bag, at isang sumpak na kargado ng isang 12-gauge live ammunition.
Lumitaw naman sa imbestigasyon na ang suspek ay responsable rin sa serye ng theft incidents sa naturang lugar at dati na ring naaresto sa kasong theft at paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.