NCAP nananatiling suspendido - MMDA
MANILA, Philippines — Nanatili pang suspendido ang pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon ito kay MMDA Chairman Atty. Romando “Don” Artes, matapos na kumalat ang balita sa mga social media post na nagsasabing ipatutupad nang muli ang NCAP.
“Patuloy pong suspendido ang NCAP dahil may pending pong temporary restraining order or TRO ang Supreme Court laban dito, so hindi po namin pwedeng i-implement yan,” dagdag pa ni Artes.
“Wag po tayo maniwala, yan na po ay paulit-ulit na naming dini-deny. Nare-recycle po eh, lumabas na po yan a few months ago,” aniya.
Noong Agosto 30 2022, matatandaang nagbaba ang Korte Suprema ng TRO laban sa NCAP matapos na maghain ng reklamo ang ilang transport group at ilang indibiduwal laban dito.
Ngayon aniya, na nakakarekober na ang ekonomiya ay patuloy na dumadami ang mga sasakyan sa Metro Manila ngunit hindi naman masyadong apektado ang daloy ng trapiko.
Sa kabila umano na bahagyang bumibigat na ang daloy ng traffic dahil sa pagdami ng mga sasakyan, pero mas mabilis pa rin ito ng konti kumpara sa dati dahil sa maayos na traffic management.
Sinabi ni Artes na palaging nagpapatupad ng full deployment at ang bilin sa mga traffic enforcers na unahin ang pag-aayos ng trapiko kaysa sa panghuhuli ng mga lumalabag sa batas trapiko.
- Latest