Alyas ‘Luffy’, isa pang Hapones na-deport na
MANILA, Philippines — Naipa-deport na ng Bureau of Immigration (BI) ang hinihinalang lider ng isang crime syndicate sa Japan na si alyas Luffy at isa pang Hapones na naging kontrobersyal nang matuklasan na nagagawang mapatakbo ang sindikato kahit na nakakulong sa immigration facility sa Taguig City.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga nai-deport na sina Yuki Watanabe, ang hinihinalang si alyas Luffy, at si Tomonobu Saito. Kahaharapin nila ang mga kasong robbery, theft at fraud sa Japan.
Dahil dito, umakyat na sa apat ang napa-deport ng BI kabilang ang mga naunang napalipad nitong Martes na sina Kiyoto Imamura at Toyisha Fujita. Inilagay na silang lahat sa blacklist ng BI.
Ang deportasyon ng apat ay kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan.
Unang nahirapan ang BI na mapa-deport sina Saito at Watanabe dahil sa kinakaharap na kasong violence against women and their childer sa Pasay City Regional Trial Court.
Ngunit napagbigyan ng korte ang inihain ng prosekusyon na Motion to Withdraw Information (charge sheet), kaya napakawalan ang dalawa at naisailalim sa deportasyon.
Dahil sa natuklasang modus na pagsasampa ng hinihinalang gawa-gawang kaso para mapatagal ang pananatili sa bansa ng mga dayuhan, sinabi ni Department of Justice Jesus Crispin Remulla na susulat sila sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para imbestigahan ang mga abogadong gumagawa nito.
Patuloy rin ang masusing imbestigasyon ng BI sa higit 30 nilang opisyal at tauhan na dating nagbabantay sa warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City makaraang matuklasan ang 20 mobile gadgets sa mga selda.
Responsable umano ang sindikato ni Luffy sa 2,300 kaso ng pagnanakaw at fraud na aabot sa 3.5 bilyong yen o US$26.4 milyon ang natangay.
- Latest