MANILA, Philippines — Maglalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng hiwalay na panuntunan partikular ng parameters hinggil sa pagpapalawig ng bisa ng prangkisa ng mga traditional jeep sa bansa.
Kaugnay nito sinabi ni Joel Bolano, pinuno ng LTFRB Technical Division, pinag-aaralan pa ng Board ang pinal na petsa kung hanggang kailan ang extension ng franchise ng traditional jeep.
“We will just wait for the final date up to when the extension of their authority to operate will be. This will be part of the new memorandum circular that we will issue very soon,” paliwanag ni Bolano.
Ang mga driver at operator na sasailalim sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay gagabayan ng Office of the Transport Cooperative (OTC) sa kanilang paglahok sa mga kooperatiba o sa pagbuo ng sarili nilang korporasyon.
Nilinaw rin ni Bolano na layon ng programa na dumaan sa modernization ang operasyon at ang mga uri ng unit ng mga jeep na ginagamit sa bansa.
“The objective of the PUVMP is to modernize and change the system in the transport sector, including fleet modernization or upgrading the units,” diin ni Bolano.