MANILA, Philippines — Nagsiksikan at nag-unahan sa pila ang mga taong dumagsa sa harap ng National Housing Authority (NHA) sa elliptical road Quezon City matapos mabalitaan na may ipinamimigay na pabahay ang pamahalaan.
Madaling araw pa lamang kahapon, ay mahaba na ang pila sa Central Office ng NHA sa Quezon City.
Ayon sa mga pumila, nabalitaan daw nila sa telebisyon at social media na may ipinamimigay na pabahay ang ahensya kung kaya’t maaga silang pumila upang makakuha nito.
Karamihan sa kanila ay galing pa sa Maynila, Marikina, Cavite, Bulacan at Rizal Province.
Itinanggi ng NHA na may ipinamimigay silang libreng pabahay ay ibinibigay lamang kung idaraan sa loan sa mababang halaga lamang.
Kung building ang pabahay ng NHA , ang halaga ng bawat unit ay may monthly amortization na P600 kung nasa 5th floor hanggang mahigit na P1,000 monthly payments kung nasa first floor.
Kaugnay nito pansamantalang itinigil din ng ahensiya ang pagproseso ng mga aplikasyon sa pabahay upang bigyan daan ang pagsasaayos ng kanilang database system.
Pinayuhan ng NHA ang mga taong nakapila sa labas ng ahensya na magtungo sa mga lokal na pamahalaan dahil maaaring doon na maiproseso ang kanilang aplikasyon.
Hindi na rin umano nila kailangan pumunta ng Central Office ng ahensya dahil mayroong mga inilagay na district office sa bawat lungsod at probinsya para sa programang pabahay ng pamahalaan.