2 tauhan ng Makati City Hall, timbog sa ‘fixing’
MANILA, Philippines — Dalawang tauhan ng Pamahalang Lungsod ng Makati ang inaresto sa ikinasang entrapment operation nang mag-alok ng “fixing service” sa isang nagpanggap na negosyante na nag-aaplay para sa business permit, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga inaresto na sina Wilfreda de Leon, 59, Administrative Assistant III at Merlin Balbuena, 46, tauhan ng Makati Health Department Sanitary Section. Nadakip rin ang isa pang kasabwat na si Aisheen Mana-ay, 27.
Ayon kay Makati police chief Col. Edward Cutiyog, nakatanggap sila ng sumbong mula sa city hall ukol sa iligal na transaksyon na ginagawa ng kanilang mga tauhan sa ilalim ng Makati Business Permits and Licensing Office (BPLO).
Dito nagkasa ang pulisya ng entrapment operation nang isang policewoman ang magpanggap na negosyante at nangangailangan ng tulong sa pagproseso ng business permit. Kinontak niya si Mana-ay sa pamamagitan ng isang text na nanghingi ng P500 para sa pagproseso. Nagresulta ito sa pagkakadakip kay Mana-ay.
Sa interogasyon, inginuso niya si De Leon na siyang kontak niya. Inaresto si De Leon sa loob ng Makati City Hall Building 2. Narekober sa kaniya ang mga marked money at boodle money na gamit sa operasyon.
Samantala, inaresto naman si Balbuena sa hiwalay na entrapment operation sa harap ng isang conveniece store sa J.P. Rizal Avenue kung saan nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na tinatambayan ng mga fixers. Nakumpiska sa kaniya ang P1,000 bill, 49 piraso ng boodle money at 41 piraso ng tapos ng health certificates.
Ikinadismaya naman ni Makati City Mayor Abigail Binay ang pangyayari at nanindigan na kakasuhan ang mga sangkot habang patuloy ang mahigpit na kampanya laban sa mga fixers sa lokal na pamahalaan.
“The city government will not tolerate fixers. We will continue to aggressively implement our anti-red tape initiatives to ensure that all transactions with the government are done in a transparent and fair manner,” saad ni Binay.
- Latest