MANILA, Philippines — Nasa 12 katao ang higit isang oras na-trap sa loob ng elevator ng isang condominium matapos tumirik, sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Hindi naman nasaktan at pawang nasa maayos na kondisyon ang mga biktima na hindi na pinangalanan pa ng mga otoridad.
Aa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-8:06 ng gabi nang maganap ang insidente sa elevator ng condo building sa Boni Serrano Ave. sa Brgy. West Crame, San Juan City.
Kagagaling lamang umano ng mga ito sa basketball court ng gusali at pauwi na nang biglang nagka-aberya ang sinasakyang elevator.
Mabuti na lang umano at may signal sa loob ng naturang elevator kaya’t nagawa ng mga biktima na makontak ang mga kasama sa labas ng gusali na agad namang humingi ng responde.
Ayon kay FO2 Leo Viado, ng BFP San Juan City Fire Station, isang maintenance ang naglagay ng bahagyang opening sa elevator at tinutukan ito ng electric fan upang pumasok ang hangin sa loob at nang hindi ma-suffocate ang mga tao sa loob.
Pagdating ng BFP ay pwersahan nilang ipinasok ang spreader upang bumuka ang elevator at makapasok pa ang mas maraming hangin sa loob.
Hinanap din ng rescuers ang manual ng elevator ngunit nang hindi ito makita ng maintenance ng building ay nagpasya na ang BFP na puwersahin ang pagbubukas ng pinto ng elevator.
Inabot lang ng kalahating oras ang rescue operation at kaagad rin nailabas ng ligtas ang mga biktima.
Ayon sa BFP, posibleng overloading ang dahilan ng pagtirik ng elevator.
Pinayuhan din nila ang publiko na huwag magsiksikan sa elevator at maghintay na lamang na makasakay sa susunod. Sakali anilang ma-trap sa loob ng elevator, ay huwag mag-panik at sa halip ay kaagad na humingi ng tulong.
Anila, maaaring gamitin ang emergency signal ng elevator o tumawag sa mga emergency hotline number. Dapat din maging kalmado at lumayo sa pintuan ng elevator hangga’t hindi pa dumarating ang tulong.