Simula Pebrero 1 maliliit na alagang hayop, pwede nang isakay sa LRT-2

Stock image of a happy dog.
Philstar.com / Era Christ Baylon

MANILA, Philippines — Inanunsiyo kahapon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na simula sa Pebrero 1 ay magiging pet-friendly na ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) dahil maaari nang isakay ng mga fur parents ang kanilang maliliit na alagang hayop sa kanilang mga tren.

“Beginning Feb. 1, pwede nang magdala at magsakay ng ating mga pets sa mga station at tren ng LRT-2,” ayon kay LRTA Administrator Hernando Cabrera.  

“Ang objective lang naman natin dito ay gawing pet-friendly ang ating sistema,” aniya pa.

Ani Cabrera, may ilang mga panuntunan lamang silang ipapatupad bago tuluyang payagang makapasok ng istasyon at makasakay ng tren ang mga alagang hayop.

Aniya, kailangang fully vaccinated ang mga alagang hayop laban sa rabies, nakalagay sa kulungan o carrier at nakasuot ng diapers.

“Kailangan malinis... ‹yung usual na mga alituntunin, pinapatupad ng mga pet-friendly na establishment, ganoon din ‹yung policy namin na i-implement,”ayon pa sa LRTA chief.

“Yung policy na pinapaikot namin ngayon dapat naka-cage [ang alaga]. Kapag nakatali maaaring magkaroon tayo ng operational problem niyan sa loob ng tren o sa istasyon,” aniya pa.

Tanging maliit na alagang hayop lamang naman anila ang papayagang maisakay sa tren at dini-discourage ang malalaking alaga dahil sobrang crowded o siksikan ang mga tren, lalo na kung rush hours.

Paliwanag ni Cabrera, “Kapag malalaki na, mahihirapan naman nang ipasok sa tren. Siksikan kung minsan sa tren.”

Show comments