‘Dugyot’ na punerarya, ipinasara
MANILA, Philippines — Tuluyang ikinandado ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang punerarya sa Tondo, Maynila dahil sa paglabag nito sa regulasyon at ordinansa ng kalinisan sa Maynila, kahapon ng umaga.
Bitbit ang closure order mula sa Bureau of Permits and Licensing Division ng Manila City Hall, tinungo ni MPD-Raxabago Station chief, Lt. Col Rosalino Ibay Jr. ang Elesium Funeral Homes sa may Maliklik Extension cor. Juan Luna Street sa Gagalangin, Tondo.
Nabatid na una nang nagpalabas ng closure order noon nakaraang taon ang BPLD dahil sa paglabag sa Sanitary Regulations, ngunit nagpatuloy pa rin sa operasyon ang punerarya. Noong Disyembre 2, 2022 nang muling maglabas ng closure order ang BPLD dahil sa pareho pa ring kaso at paglabag sa unang Closure Order na inilabas sa kanila.
Nang salakayin ng MPD- Station 1, patuloy pa rin ang operasyon ng punerarya kaya tuluyan na itong ikinandado.
Nabatid sa report na marami na umanong residente sa lugar ang nagrereklamo dahil sa masansang na amoy na nanggagaling sa punerarya.
Ayon kay Ibay, maaari namang umapela ang may-ari ng punerarya sa BPLD, pero sa pagsalakay nila ay walang maipakitang rehistro at iba pang dokumento ang mga inabutan na tauhan nito.
- Latest