MANILA, Philippines — Muling inihirit ng mga regular commuters na maibalik na ang libreng sakay ng EDSA Bus Carousel.
Ayon sa mga regular commuters, ramdam na nila sa ngayon ang epekto ng pagtatapos ng free rides sa carousel, lalo na yaong malalayo ang biyahe.
Mahigit P100 kada araw umano ang kailangan nilang ilaan ngayon sa pamasahe, na matitipid na sana nila at mailalaan sa ibang mas importanteng bagay kung maibabalik lamang ang libreng sakay.
Gayunman, ayon sa Department of Transportation (DOTr), posibleng hindi matupad ang hiling na ito ng mga commuters dahil sa kakulangan ng pondo.
Tiniyak naman ng ahensiya na pinag-aaralan nilang makapagbigay kahit man lamang discount muna sa pamasahe para maibsan ang gastusin ng mga regular commuters.
Ikinatuwa na rin naman ito ng mga regular commuters dahil kahit paano anila ay makakatulong na rin sa kanila kung may discount sa pamasahe.
Nabatid na ngayong taon ay nasa P1.2 bilyon ang inilaan na pondo ng pamahalaan para sa service contracting programs gaya ng EDSA bus carousel.
Mas maliit anila ito kung gagamitin sa libreng sakay.