MANILA, Philippines — Asahan na ang pagpapatupad ng exclusive lane para sa mga motorsiklo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, sa Quezon City pagsapit ng buwan ng Pebrero, ayon kay Metropolitan Manila Development authority (MMDA) Chairman Romando Artes.
Sa kasalukuyan, aniya, ay tuluy-tuloy pa ang pag-set-up ng motorcycle lane na maaari nang makumpleto sa kalagitnaan ng Pebrero ngayong taon.
“Magde-dedicate tayo ng lane para sa motorcyle exclusive po ‘yun ‘di pwede gamitin ng iba,” ayon pa kay Artes.
“We don’t want to start it na hindi kumpleto iyong mga road signages natin at lane markings, para walang excuse iyong mga motorista na mag-violate ng mga exclusive lanes na ito,” ani Artes.
Ang nasabing special lane naglalayong bawasan ang bilang ng mga aksidente at mapabuti ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue, aniya pa.
Ayon sa MMDA, 24,000 motorcycle-related accidents ang naitala noong 2022, kung saan 258 ang nagresulta sa pagkamatay.
Sa posibleng pagkakaroon din ng iba pang exclusive motorcycle lane, sinabi ni Artes na pinag-aaralan pa kung saan maaring itong ipatupad dahil ikinukunsidera dito na ang pagbabawas ng lane ay nakadaragdag ng pagbigat ng trapiko.
Samantala, upang mas mapagbuti pa ang road safety, sinabi kamakailan ng MMDA na makakatulong din ang pagtatatag nila ng Motorcycle Riding Academy na posibleng magsimula ngayong first quarter ng taon.
Libre umanop ang pagpapa-enroll sa nasabing academy.