Pulisya may lead na
MANILA, Philippines — May lead na ang mga awtoridad para matukoy ang responsable sa pagpatay sa isang beauty specialist na natagpuang duguang walang buhay nitong Martes sa isang abandonadong kotse sa Las Piñas City.
Sinabi ni P/Major Gladys Biare, ng Station Intelligence Section ng Las Piñas City Police Station, pinag-aaralan na nila ang nakalap na CCTV footages na nakuha kaugnay sa natagpuang bangkay ng biktimang kinilalang si Jennifer Mendoza, 29, beauty skincare specialist at residente ng Balagtas St, Tondo, Maynila.
Magugunitang natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng inabandonang kulay silver na Mazda 2 (ATA 9782) sa C-5 Extension.
Hindi muna idinetalye ang nilalalaman ng footages dahil sa patuloy pang imbestigasyon tulad ng backtracking sa mga rutang dinaanan o pinanggalingan ng babae bago siya natagpuan sa crime scene.
“We found out na ‘yung victim nasa loob habang naka-on pa ‘yung makina... Tiningnan ko agad ‘yung gasolina, halos wala nang laman so more or less matagal na doon naka-park. Nakita namin na may mga dugo siya sa ulo tsaka sa flooring,” pahayag naman ni P/Col. Jaime Santos, commander ng Las Piñas City Police.
May tama ng bala sa ulo ang biktima na ayon kay Col. Santos ay posibleng ginamitan ng 9mm pistola dahil sa nakuhang slug at basyo ng bala sa flooring ng driver’s seat.
Sinabi pa ni Col. Santos na lumalabas na bumaba pa sa sasakyan ang driver na posibleng suspek bago binaril ang biktima sa loob sa passenger seat.
Natunton naman ang may-ari ng sangkot na sasakyan na nagpahayag na sa pulisya na noong Disyembre 26 pa nawawala ang nasabing sasakyan na ipinahiram niya sa kaniyang kapatid na lalaki matapos gamitin na Transportation Network Vehicle Service o TNVS.
Ibinunyag din na nakulong na ang kapatid nito na nanghiram ng sasakyan sa isyu ng iligal na droga at panghoholdap.