MANILA, Philippines — Pinawalang-sala ng Manila Regional Trial Court nitong Lunes si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam , ang kaniyang anak na lalaki at limang iba pa kaugnay sa kasong murder kay Batuan, Ticao Island, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III.
Sa kautusan ni Manila RTC Branch 42 Judge Dinah Aguila-Topacio, absuwelto rin sa kaso sina Marco Martin Cam, at 5 iba pa dahil sa kabiguan ng prosekyusyon na patunayan nagkasala ang mga akusado ‘beyond reasonable doubt’.
Matatandaang noong Oktubre 9, 2019, nang barilin at mapatay si Yuson ng ilang kalalakihan na sakay ng van habang ang una ay nag-aalmusal sa isang karinderya sa Sampaloc, Maynila.
Sugatan din sa insidente, ang dalawang kasama ng bise-alkalde na kinilalang sina Wilfredo Pineda, 44, at Alberto Alforte, 23 .
Tahasang itinuro ni Lalaine Yuson, maybahay ng napaslang, ang mag-inang Cam, matapos umanong matalo ng anak na si Charmax Jan Yuson si Marco Martin Cam noong May 2019 mayoral election sa Batuan.
Hinihintay na lamang umano ang kopya ng desisyon ng kampo ni Cam, ani Atty. Buenaventura Miranda, para mapalaya na ang kliyente.
Sa panig naman ni Mayor Charmax Jan Yuson na nadismaya sila sa desisyon, nakatakda silang maghain ng motion for reconsideration.