MANILA, Philippines — Pinuri ni National Capital Region Police (NCRPO) P/Major General Jonnel Estomo ang dalawang miyembro ng Taguig City Police Station na tumanggi sa malaking suhol ng isang Chinese national, nitong Sabado.
Sa ulat ng Taguig CPS-Sub-station 1, dakong alas-5:20 ng madaling araw nang tangkaing suhulan sina Patrolman Hever Caspe at Patrolman Mark Leonard Arcilla ng dalawang bundle ng pera na umabot sa P182,000.00 , habang nasa Sub-station 1, sa 4th St, 9th Avenue, Bonifacio Global City.
Sa halip na tanggapin ang pera, inaresto ang suspek na kinilalang si Yi Miu, 24,residente ng Solimare, Pasay City.
Bukod sa pera, kinumpiska rin ang isang 9mm caliber viper 2, isang magazine na may 7 bala at minamanehong Toyota Vios.
Ayon sa ulat, dumating ang suspek at nag-alok ng malaking halaga sa mga pulis kapalit ng kalayaan ng kaniyang mga kaibigang mga Chinese nationals din na dinakip ng araw na iyon dahil sa kasong robbery extortion sa isang Pinay na nakuhanan din ng ilegal na droga nang dakpin.
“The act of this officers to resist temptation and in performing their mandate despite the handsome offer of compromise from the suspect is what we truly expect from our officers. Verily, they deserve commendation for showcasin the innate character of an officer who is committed and dedicated to his profession. I urge all other police officers to live by the example shown by our comrades from SPD-Taguig CPS.” Ani Estomo.
Ipinagharap ng reklamong corruption of public officials at illegal possession of firearms ang suspek.