MANILA, Philippines — Nabitag ang isang pinaghihinalaang drug pusher matapos itong mahulihan ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Caloocan nitong Sabado.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta ang nasakoteng suspect na si Paul Jerrie Lira, 18 ng No. 9021, Saint Catherine St., Barangay 177.
Sa report na tinanggap ni Northern Police District (NPD) District Director P/Brig. Gen. Ponce Rogelio Penoñes Jr., dakong alas-2:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO ng buy-bust operation sa tahanan ng suspect sa lugar.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa talamak na pagtutulak ng marijuana ni Lira.
Agad namang ikinasa ang operasyon kung saan isang poseur buyer ng pulisya ang nakipag-transaksiyon sa suspect na bibili ng naturang ilegal na droga.
Ang suspect ay dinakma ng mga operatiba sa aktong tinatanggap ang P500 marked money mula sa isang undercover agent ng pulisya.
Nakumpiska sa suspect ang tatlong medium resealable transparent plastic bags kabilang ang ‘subject of sale’ at isang malaking resealable transparent plastic bag na naglalaman ng humigi’t kumulang 450 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may katumbas na halagang P54,000, buy-bust money at malaking paper bag.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.