Sa pista ng Sto. Niño 2 araw na liquor ban sa Tondo at Pandacan

Sa Executive Order (EO) 3 na nilagdaan ni Mayor Honey Lacuna, ang liquor ban ay magkakabisa mula ngayong araw Enero 14 hanggang 15 sa mga lugar na “nasa loob ng territorial jurisdiction ng Sto. Niño de Tondo Parish at Sto. Niño de Pandacan.”
Philstar.com / Irish Lising

MANILA, Philippines —  Bawal ang pag-inom ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa Tondo at Pandacan sa Maynila ngayong Sabado at Linggo sa mismong kapistahan  ng Sto. Niño.

Sa Executive Order (EO) 3 na nilagdaan ni Mayor Honey Lacuna, ang liquor ban ay magkakabisa mula ngayong araw Enero 14 hanggang 15 sa mga lugar na “nasa loob ng territorial jurisdiction ng Sto. Niño de Tondo Parish at Sto. Niño de Pandacan.”

Ayon kay Atty. Princess Abante, hepe ng Public Information Office (PIO)  na ang pagbabawal ay naglalayong tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod sa taunang pagdiriwang.

Ipatutupad din nito ang City Ordinance No. 5555 na nagbabawal sa pag-inom ng alak at iba pang inuming nakalalasing sa mga pampublikong lugar tulad sa mga lansangan at eskinita.

Inatasan ni Lacuna ang Manila Police District at lahat ng law enforcement officers na mahigpit na ipatupad ang ordinansa.

Kasabay nito, ilang kalye sa bahagi ng Pandacan, sa Maynila ang isasara sa motorista simula alas-6:00 ng umaga ngayong Sabado.

Ito ay para sa idaraos na “Buling—Buling 2023” para sa pagdiriwang ng Pista ng Sto. Niño De Pandacan.

Kabilang sa apektado ang kahabaan ng Jesus St. mula Quirino Ave. hanggang Palumpong St.; Kahabaan ng Palumpong St. mula Jesus St. hanggang Beata St.; Kahabaan ng Beata St. mula Jesus St. hanggang T. Claudio St.; Kahabaan ng E. Zamora St. mula Quirino Ave. hanggang Hilium St.; at Kahabaan ng ML. Carreon St. mula T. Claudio St. hanggang Pedro Gil St.

Show comments