Taas-pasahe sa LRT, hindi agad ipatutupad
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na hindi maaaring maipatupad kaagad ang taas-pasahe sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) dahil kinakailangan pa itong dumaan sa tamang proseso.
Ang paglilinaw ay ginawa ng LRTA, kasunod ng ulat na inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare increase sa LRT-1 at 2.
Sa isang pahayag, sinabi ng LRTA na bago tuluyang maipatupad, kinakailangan munang dumaan ng taas-pasahe sa tamang proseso.
Ipinaliwanag ng LRTA na ang ginawang pag-apruba ng LTFRB sa nasabing fare increase ay nasa nature ng naturang ahensiya, bilang miyembro ng LRTA Board of Directors, at hindi sa nature nito bilang regulatory board.
Binigyang-diin nito na ang naturang taas-pasahe ay dapat na aprubahan din muna ng LRTA Board of Directors, at ang LTFRB ay isa lamang anila sa siyam na miyembro nito,
Nabatid na bukod sa LTFRB, ang iba pang miyembro ng board ay ang Department of Transportation (DOTr), Department of Finance (DOF), Department of Budget and Management (DBM), National Economic Development Authority (NEDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), at dalawang Appointive Directors, na kinabibilangan nina LRTA Administrator Hernando T. Cabrera, at Atty. Dimapuno Datu.
Dagdag pa ng LRTA, kinakailangan din munang dumaan sa required regulatory process ang taas-pasahe na kinabibilangan ng public consultation at hearing.
“This refers to the news reports on the LTFRB approval of fare increase for LRT 1 & 2. The Light Rail Transit Authority (LRTA) would like to clarify that the matter of the fare increase will go through proper process,” ayon sa LRTA.
“The approval of the LTFRB on the subject fare increase is in the nature of the said agency being a Member of the LRTA Board of Directors, and not in the nature of a regulatory body,” dagdag pa nito.
Ayon sa LRTA, sa ilalim ng kanilang panukala, nais nilang ma-adjust ang mga pasahe ng LRT-1 at 2 at madagdagan ng P2.29 bilang boarding fare, at karagdagang P0.21 kada kilometro para sa distance fare.
Nabatid na ang boarding fare ng mga naturang rail lines ay nasa P11.00 habang P1 kada kilometro naman ang distance fare nito, simula pa noong taong 2015.
- Latest