MANILA, Philippines — Magandang balita para sa mga operator at driver ng mga lumang pampasaherong jeep.
Ito ay dahil sa wala munang magaganap na phase out ng pampasaherong jeep kahit lampas na ito ng 20 years old.
Ito ang inanunsyo kahapon ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz na nagsabing kung dati kapag may 20-taon na pataas ang pampasaherong jeep ay ipe-phase out na ito ng LTFRB alinsunod sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Sa press conference, sinabi ni Atty. Guadiz na ipinasya nila na kahit higit na sa 20-taon ang mga jeepney basta’t ito ay road worthy pa ay maaari pa ring gamitin at ipasada.
Sinabi ni Guadiz na ramdam niya ang hirap ng mga driver at maaaring marami ang magugutom oras na ipatupad ang jeepney phase out.
“Basta’t road worthy ang passenger jeep ..kahit lampas 20 years old yan, puwede pa gamitin sa hanapbuhay para naman hindi mawalan ng trabaho ang mga operator at driver na umaasa sa kita sa pamamasada para may pagkain ang pamilya,” sabi ni Guadiz.
Niliwanag din niya na patuloy na pinag-aaralan ang bawat ruta ng mga sasakyan sa bansa lalo na sa Metro Manila upang mapunan ng dagdag ruta ang may malaking demand sa pampasaherong sasakyan at mabawasan ang mga ruta na masyadong marami sa isang lugar.