MANILA, Philippines — Umaapela ang Land Transportation Office (LTO) sa publiko na huwag bigyan o iwasang suhulan ang mga traffic enforcers na nanghuhuli dahil sa road safety violation.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Jose Arturo ‘Jay Art’ Tugade, dapat kilalanin ng publiko ang mga traffic enforcers na tumutupad sa kanilang tungkulin.
“Offering bribes to our law enforcers will not get you anywhere and will Make things worse. Wala pong tiwali kung walang mag-uudyok na maging tiwali. Magtulungan po tayo.”_ pahayag ni Tugade.
Ginawa ni Tugade ang pahayag matapos mahuli ng LTO Region 5 law enforcement officers sa Sorsogon City ang isang drayber na nagtangkang manuhol ng enforcers.
Nabatid na nagsagawa ng “Oplan Ligtas Biyaheng Pasko 2022” ang mga enforcer sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Guinlajon, Sorsogon City nang mapansin nina LTO enforcers Rey Alvin Belgica, Wilfredo Macapagal Jr., Ferdinand Sta Ana Jr., at Gregory Jim Monforte ang isang Toyota Hi-Ace.
Susuriin sana ng LTO enforcers ang lisensya ng drayber at registration ng sasakyan.
Nabuking na pumapasada pala ang drayber at may sakay na 17 pasahero.
Galing sa Cubao, Quezon City ang van at patungo sana ng Northern Samar.
Nagulat na lamang ang mga enforcer nang singitan ng drayber ng P3,000 ang lisensya bilang panuhol para hindi mahuli dahil sa pagiging kolorum.
“The entire LTO and myself laud the actions of our noble traffic enforcers for refusing to accept the alleged bribery attempt, for standing firm in enforcing the law and not be tempted by acts of corruption. They are exceptional public servants that should be emulated by everyone,” pahayag ni Tugade.