Biyahe ng 3K OFWs, apektado sa aberya sa NAIA
MANILA, Philippines — Nasa 3,000 mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kabilang sa mga pasaherong naapektuhan sa aberyang nangyari sa Ninoy Aquino International Airports (NAIA) dahil umano sa air traffic system glitch noong Bagong Taon.
Dahil nga dito kung kaya isinara ng ilang oras ang Philippine airspace.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Hans Leo Cacdac, na karamihan sa mga na-stranded na OFWs ay bibiyahe patungong Middle East at iba pang Asian countries matapos na dito magdiwang ng holiday seasons.
Tinulungan naman umano ang mga OFW sa rebooking ng kanilang mga biyahe.
Magugunitang umabot sa 280 flights ang nakansela, na-divert o na-delayed noong Linggo, dahil sa umano’y technical issue sa Philippine Air Traffic Management Center, ayon sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Marami sa naabalang OFWs ay tinulungan naman ng kanilang airlines at recruitment agencies kung saan napagkalooban din umano ang mga ito ng pagkain, transportasyon at hotel accommodation.
Bagamat may ilang flights na ang nakaalis at nakalapag na sa mga paliparan sa bansa, pero inaasahan ng mga transport official, na posibleng abutin pa ng hanggang tatlong araw bago maging fully-recover ang flight operations sa Maynila.
- Latest