Sa pagsalubong ng Bagong Taon
MANILA, Philippines — Dahil sa pagsalubong sa Bagong Taon, nagpaalala ang pamahalaang lokal ng Navotas sa mga residente sa lungsod na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng anumang uri ng paputok o fireworks.
Ito’y alinsunod sa Executive Order No. TMT-060 na pinapairal sa Navotas City.
Nais ng Navotas Local Government Unit (LGU) na manatiling ligtas ang pagsalubong ng Bagong Taon ng lahat ng mga residente kaya bawal ang paggamit ng anumang paputok.
Giit pa ng lokal na pamahalaan na sa pag-iwas sa paputok ay maiiwasan din ang disgrasya lalo na ang sunog.
Payo pa ng Navotas LGU, gumamit na lamang ang mga residente ng mga bagay na lumilikha ng ingay tulad ng pito, mga gamit sa kusina, sound system at iba pa.
Pinag-iingat din ang mga residente sa pagsisiksikan dahil hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 kung saan sa kasalukuyan ay nasa 19 ang naitatalang aktibong kaso ng sakit sa buong Navotas.