MANILA, Philippines — Sugatan ang isang babaeng empleyado matapos mabaril ng isa sa walong maskarado at armadong holdaper na nanloob sa isang delivery at remittance center sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
“We hope to get leads about the identities of the armed robbers through a CCTV (closed-circuit television) camera installed in the area,” ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones kung saan ilan sa mga holdaper ay nakita ang mga itsura sa pamamagitan ng CCTV footage sa lugar.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-8:10 ng gabi nang pasukin ng mga suspect ang bodega ng J& T Express na matatagpuan sa Industry Road 1, Brgy. Potrero ng lungsod.
Agad namang nilimas ng mga suspect ang hindi pa madeterminang cash remittance at maging ang pera at mga gamit ng mga empleyado.
Sa testimonya ng mga empleyado pawang armado ng mahahabang armas ang mga suspect na nakasuot ng bull caps at vest. Samantalang puwersahan ding kinuha ng mga holdaper ang service firearm na isang 9 MM pistol ng security guard na si Tonto Gutierrez.
Samantalang habang papatakas lulan ng get-away vehicle na isang kulay itim na Isuzu M-UX ay nagpaputok ang mga holdaper upang takutin ang mga empleyado kung saan minalas na tamaan ng bala ang isang babaeng empleyado.
Sa follow-up report ni P/Col. Daro, sinabi nitong natagpuan ang ilan sa mga ninakaw na gamit sa Balintawak, Quezon City. Inaalam ngayon ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng mga nakuhang pera at gamit ng mga holdaper.