MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Pasig City Mayor Vico Sotto na ipasasara na nila ang mga online gambling establishments sa lungsod.
Ayon kay Sotto, mayroon na lamang isang taon ang mga naturang online gambling establishments upang tuluyang itigil ang kanilang operasyon sa lungsod.
Aniya, alinsunod ito sa Ordinance 55 Series of 2022, na nilagdaan ng Pasig City council noong Disyembre 15 lamang at kaagad ring naging epektibo.
“Ordinance 55, s-22. Existing online gambling establishments in Pasig have 1 yr (2023) to wind up operations,” pahayag pa ng alkalde, sa kanyang Twitter account.
Sinabi rin ni Sotto na ang mga bagong online gambling establishments kabilang ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay hindi na rin nila bibigyan ng permits.
Nabatid na sa ilalim ng naturang ordinansa, hindi na pahihintulutan ang operasyon, aplikasyon at pag-apruba sa mga licenses to operate ng mga online games of chance sa lungsod.
Nagtakda rin sila ng isang taon para sa cessation o tuluyang pagtitigil ng mga operating establishments, gaya ng online casinos, e-games, online sabong, e-bingo outlets, online poker, computer gaming stations at iba pa.
Sakop din ng ordinansa ang operasyon ng service providers na nagkakaloob ng technical support ng mga naturang palaro.
“Any person, natural or juridical, who is found liable for violating this Ordinance shall be fined in the amount of P5,000 or an imprisonment for a period of one year, or both in the discretion of the court,” anang ordinansa.