Pananaksak sa mga preso, itinanggi ni Bantag

Suspended Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.
STAR / File

MANILA, Philippines — Itinanggi ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag ang mga akusasyon nang pananaksak at iba pang pag-abuso na ginawa niya sa mga inmates ng New Bilibid Prison (NBP).

Ang pagtanggi ay ginawa ni Bantag sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Rocky Balisong. Sinabi ni Balisong na wala umano kahit isa sa mga inmates na nasaktan sa panahon ni Bantag.

Nauna rito dalawang preso sa Bilibid ang lumantad at nagsabing biktima sila nang pananaksak ni Bantag noong Pebrero habang lango umano ito sa alak.

Sinabi ni Balisong na walang naaalalang insidente ng pananaksak ng inmate ang kaniyang kliyente. Nakakatawa umano ang akusasyon na ito na pinatayo pa ang mga inmate bago sila sinaksak.

“In short, he is denying any participation in the stabbing of these inmates,” giit ni Balisong.

Sinabi pa ng abogado na inaasahan na nilang maglalabasan pa ang maraming mga akusasyon laban sa kanyang kliyente na katawa-tawa lamang umano at halatang imbento na kuwento.

Show comments