MANILA, Philippines — Inireklamo ng isang grupo ng mga mag-aaral ng University of Sto. Tomas (UST) ang isang pulis-Maynila na umano’y naglabas ng kaniyang baril nang sitahin sila habang naglalakad sa kalsada sa Sampaloc, Maynila Linggo ng gabi.
Kinilala ng mga high school students ang pulis na si P/Corporal Marvin Castro, na isinasailalim na sa imbestigasyon. Hindi na rin siya muna pinayagan na magpatrulya sa bisinidad ng UST.
Sa salaysay ng mga mag-aaral na mga miyembro ng UST Junior Team at may edad mula 12 hanggang 17-taong gulang, naglalakad sila sa isang kalsada sa Sampaloc dakong alas-9:30 ng gabi nitong Linggo, makaraang lumahok sa isang judo competition nang sitahin umano sila ng naturang pulis dahil sa umano’y pag-iingay.
Ayon sa isang miyembro ng team, inilabas umano ng pulis ang kaniyang baril at ang posas at niyaya sila na sumakay sa police mobile. Dito natakot ang mga mag-aaral at tinawagan ang kanilang judo coach na sinaklolohan ang kaniyang mga manlalaro, na ilan ay nagwagi ng medalya sa sinalihang kumpetisyon.
Nang magharap sa loob ng barangay hall, humingi ng dispensa si Castro sa mga mag-aaral at sa mga magulang nila. Iginiit niya na ayaw umano siyang pakinggan ng grupo nang sawayin niya dahil sa pagiging magulo at natakot sa sarili niyang kaligtasan nang maglabas ng baril.
Nang makarating naman sa istasyon ng pulisya, sinabi ng mga magulang na pinakiusapan sila dito na huwag na lang magkaso sa pulis dahil Pasko naman at mabait umanong pulis si Castro.
Iginiit naman ng mga magulang ang posibleng psychological effect sa mga bata ng pangyayari.
Ipinasuko na kay Castro ang kaniyang service firearm habang sasailalim naman sa psychological evaluation ang mga mag-aaral at nakatakdang magsumite ng sinumpaang-salaysay.