328 bilanggo napalaya bago mag-Pasko

Ang 114 bilanggo na napalaya kahapon ng Bureau of Corrections mula sa Bilibid. Kabilang sila sa 328 pang mga bilanggo na mga bagong napalaya mula sa pitong BuCor facilities.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Nasa 328 persons deprived of liberty (PDLs) ang mga bagong pinalaya kahapon, Disyembre 19, mula sa iba’t ibang piitan sa bansa sa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sinabi ni BuCor Officer-In-Charge Gre­gorio Pio Catapang Jr. na may kabuuan nang 5,917 ang napalaya sa kasalukuyang taon.

Noong Nobyembre 24, 2022 nang unang mapalaya ang nasa 234 PDLs mula sa pitong pasilidad ng BuCor at kahapon, anim na araw bago ang Pasko, nasa 328 PDLs mula sa pito ring BuCor facilities at PMA facility ang nabigyan ng kalayaan.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang isagawa ang pagkakaloob ng Certificate of Discharge sa mga lalayang preso, sa isinagawang seremonya sa Administrative Building Facade sa New Bilibid Prison (NBP) Reservation, sa Poblacion, Muntinlupa.

Sinaksihan ito nina Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin C. Remulla, Undersecretary Deo L. Marco, Assistant Secretary Jose Dominic F. Calvano IV at Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida V. Rueda-Acosta.

Binigyan din ng gratuity at transportation allowance ang mga pinalaya.

Ang BuCor ay may umiiral nang kasunduan sa PMA para ma-accommodate ang mga PDL na nakatakdang ilabas.

Ayon pa kay Catapang, sa susunod na taon ay doble pa sa bilang ng inmates ang palalayain.

“Kasi po ang guidance niya sa akin ngayon mag-create na ng volunteers na mga abogado bawat region,” paliwanag ni Catapang.

Sinabi naman ni Remulla na sisikapin ng DOJ at BuCor na maglabas ng average na 700 hanggang 800 qualified PDLs kada buwan.

Aniya, muling magsusumite ang DOJ at BuCor ng mga pangalan ng mga PDL na kwalipikado para sa executive clemency.

Nasa 2,000 pa aniya ang nakatakdang palayain sa susunod na 60 hanggang 75 araw, ani Remulla.

“I will see the Executive Secretary tomorrow and we will probably arrive at a more definite date in the next few days para sa clemency,”dagdag pa ni Remulla. 

Show comments